Resulta ng recount sa Maynila, ihahayag ngayon
MANILA, Philippines - Inaasahang ihahayag na ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang resulta ng isinagawang manual recount sa mga balota ng naganap na mayoral elections sa Maynila noong nakalipas na taon.
Nabatid na sa 200 clustered precincts na saklaw ng manual recount, natapos nang manu-manong bilangin kahapon ang may 180 precincts. Gayunman, habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy pang tinatapos ang 20 precincts.
Nabatid sa pinakahuling bilangan, nitong Abril 8, nanguna si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa botong 50,842 o 65.79 porsyento, habang si dating Environment Secretary Lito Atienza ay nakakuha lamang ng 16,114 o 20.85 porsyento.
Ang recount ay kaugnay sa inihaing election protest ni Atienza na kumukuwestiyon sa resulta ng computer-generated PCOS machine results kaya hiniling nito ang manual recount matapos matalo ng 219 boto ni Lim.
Ang 200 clustered precincts ay kumakatawan sa 60 porsyentong kabuuang poll precincts sa Maynila.
- Latest
- Trending