Poll protest sa Lucena hindi pa tapos
MANILA, Philippines - Inakusahan ni ex-Lucena City Vice Mayor Philip M. Castillo si dating Lucena City Mayor Ramon Y. Talaga Jr. ng umano’y pagpapakalat ng mga maling impormasyon kaugnay ng totoong estado ng electoral protest na una nang isinampa nito sa dating alkalde.
Sa isang media forum sa Maynila, sinabi ni Castillo na hindi totoong pinal ng nagdesisyon ang Commission on Elections sa kaso dahil hindi pa nagpapalabas ng desisyon ang Comelec en banc hinggil dito.
Nangangahulugan lamang aniya ito na hindi pa maaaring sabihin ng kampo ng dating alkalde na sigurado nang mananatili sa posisyon ang asawa nitong si Barbara Ruby C. Talaga.
Nakasaad sa dissenting opinion ni Comelec Commissioner Lucenito N. Tagle na hindi katanggap-tanggap ang January 11, 2011 resolution ng Comelec 2nd division na pinamumunuan ni dating Commissioner Nicodemo Ferrer.
Ani Tagle, mistula kasi umanong inililigaw ng Comelec Law Department ang Comelec en banc, nang sabihin nito na Mayo 5, 2010 nang maghain ng certificate of candidacy at certificate of nomination and acceptance si Barbara Ruby, upang maging substitute candidate ng asawa nitong si Talaga Jr..
Ipinaliwanag ni Tagle na batay sa sequence of events ay hindi balido ang naganap na substitution sa pagitan ng mag-asawang Talaga. Lumilitaw kasi umano na hindi pa naman aprubado ng Comelec en banc ang withdrawal ng kandidatura ni Talaga Jr. noong Mayo 4, 2010, kung kailan naghain ang asawa nitong si Barbara Ruby ng certificate of candidacy at certificate of nomination and acceptance.
Nangangahulugan aniya ito na noong maghain ng COC si Barbara Ruby ay wala pang balidong batayan para sa substitution ng kandidato dahil hindi naman namatay, hindi nag-withdraw at hindi pa diskuwalipikado ang kandidatong papalitan nito.
Tiwala naman si Castillo na magpapalabas ng resolusyon ang Comelec en banc base sa mga ebidensya at hindi batay sa opinyon ng Comelec Law Department.
- Latest
- Trending