MANILA, Philippines - Isa katao ang patay habang lima pa ang sugatan nang bumagsak ang isang Cessna plane sa mismong Camp John Hay sa Baguio City, kahapon.
Sa inisyal na ulat ni Senior Insp. Ruben Forte ng Baguio City Police Station 4, wala pang pagkakakilanlan ang nasawi matapos masunog buhat sa nagliyab na eroplano na nangyari pasado alas-3 ng hapon.
Habang ang limang sugatan, isa ang kritikal ay agad itinakbo sa Baguio General Hospital.
Sinabi naman sa report na isang Col. Reynaldo Garcia ang kabilang umano sa lulan nang nag-crash na eroplano.
Sinasabing nangyari ang pagbulusok ng private Cessna malapit sa horse back riding station ng popular na mountain resort sa Baguio.
Diumano, pagbagsak ng eroplano ay agad na nagliyab ito. Nabatid na nadaganan ang mga biktima ng malalaking parte ng eroplano na nagkapira-piraso.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa naturang insidente habang itinakbo naman sa malapit na ospital dito ang mga sugatang biktima, ayon pa sa ulat.