Araw ng Kagitingan pinangunahan ni PNoy
MANILA, Philippines - Pinangunahan kahapon ni Pangulong Aquino ang pagdiriwang ng ika-69 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Mt. Samat Shrine of Valor sa Pilar, Bataan kung saan nagbigay pugay siya sa mga beterano ng bansa.
Dumalo sa nasabing okasyon sina US Ambassador Harry Thomas Jr., Japanese Ambassador Makoto Katsura at Chinese Ambassador Liu Jianchao kung saan nagkaroon ng 21-gun salute ang militar.
Sinabi ng Pangulo sa kaniyang talumpati na hindi makakamit ng bansa ang tinatamasang demokrasya sa ngayon kung hindi nanindigan ang mga Filipino na magigiting na lumaban sa digmaan.
Ipinagmalaki ng Pangulo na ginagawa ng gobyerno ang lahat upang mas mapagbuti ang tinatanggap na benepisyo ng mga beterano.
Marami anyang aral na matutunan ang kasalukuyang henerasyon sa mga beterano na ipinakita ang kahalagahan ng pagseserbisyo para sa bayan.
Tiniyak rin ng Pangulo na ipagpapatuloy niya ang pakikipaglaban sa katiwalian at kahirapan.
Muli rin nitong tiniyak sa mga mamamayan na nananatili silang “boss ng Pangulo”.
“Wala pong magbabago. Kayo pa rin ang boss ko, bilin ko lang po, manatili tayong nagtutulungan at nagdadamayan,” ani Aquino.
- Latest
- Trending