Pinoy na nagugutom, hirap mas dumami - SWS
MANILA, Philippines - Mas dumami pa ang bilang ng mga Pilipino na nagugutom, ayon sa Social Weather Station (SWS) survey.
May 4.1 milyong pamilya ang ngayo’y nagugutom habang ilang Pinoy ang kinokonsidera ang kanilang mga sarili bilang mahihirap na mamamayan.
Ang survey ay isinagawa noong Marso 4 hanggang 7 at sinasabing 20.5 percent sa mga kababayan natin ang nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan na mas mataas kumpara sa 3.4 milyon noong Nobyembre 2010.
Bukod dito, tumaas din umano ang bilang ng mga Pinoy na nagsabing “mahirap” ang kanilang kalagayan ngayon sa buhay.
Ang survey ay isinagawa sa may kabuuang 1,200 matatanda sa buong bansa. Ang Luzon ang may pinakamaraming Pinoy na nagsasabing sila ay nagugutom o 1.5 milyong pamilya, sumunod ang Metro Manila, Mindanao at Visayas.
Samantala, iginiit naman ni Pangulong Aquino na posibleng hindi nakasama bilang respondents ang mga tumanggap ng programa ng gobyerno upang labanan ang kahirapan kaya tumaas ang bilang ng mahihirap sa bansa sa survey ng SWS.
Wika ng Pangulo, magkaiba ang resulta ng SWS sa aktwal na isinumite ng kanyang Cabinet secretaries at business community. Malamang anya na malaking bilang ng mga respondents sa survey ay mula sa Metro Manila at Luzon gayung karamihan sa tumanggap ng conditional cash transfer program ng gobyerno ay mula sa Visayas at Mindanao.
Aniya, kung naisama sa respondents ang tumanggap ng tulong ng gobyerno ay hindi ganun ang naging resulta ng survey.
- Latest
- Trending