MANILA, Philippines - Umapela na ang mga tauhan at sibilyang empleyado ng Philippine Coast Guard (PCG) na itigil na ang mga malisyosong usapin kaugnay ng di-umano’y kahina-hinalang pagkawala ng pondo ng nasabing ahensya.
Bagamat wala anyang katotohanan ang mga paratang na ipinupukol sa PCG, lubos na nababahala ang pamunuan kasama na ang lahat ng kawani nito dahil ang mga isyung ito ay nakakaapekto at nakasisira sa magandang imahe na isinusulong ng Coast Guard, sa mahusay na pamumuno ng kumandante nito na si Admiral Wilfredo Tamayo.
Sa panibagong pahayag na inilabas ng Coast Guard, pinabulaanan nito ang ibintang na may mga nilulutong “pabaon system” sa ahensya kasabay ng paglisan ni Admiral Tamayo sa kanyang puwesto.
Tanging ang retirement benefits lamang ang maaaring ibigay sa mga nagreretirong opisyal at wala ng anumang pondo ang maaring galawin. Itinanggi rin ng PCG na may namumuong sabwatan sa pagitan ng mga matataas na pinuno hinggil sa korupsyon.
Nilinaw din ni Admiral Tamayo na ang Coast Guard ay tumutugon sa mahigpit na tagubilin ng Pangulong Aquino sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na gamitin ng tama ang pondo ng bayan. Ang lahat ng transaksyon kasama na ang binabanggit na 125 milyon ay “above board.”