MANILA, Philippines - Mistulang mga batang nagsisipaglaro lang sa kaliwa’t kanang pagpapakuha ng larawan na pang-Facebook umano habang panay rin ang text sa kanilang mga cellphone ang nakakapanlumong aksyon ng mga empleyado ng Camp Aguinaldo sa isinagawang earthquake drill kahapon.
Ang drill ay bahagi ng paghahanda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa posibleng pagtama ng lindol sa Pilipinas na kabilang sa mga bansang nasasaklaw ng Pacific Ring of Fire sa pangunguna ng Japan.
Naiiling na sinabi naman ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos na normal na reaksyon ng mga Pinoy ang ginawa ng mga empleyado kung saan kapag nandiyan na ang trahedya ay saka lamang ang mga ito kikilos.
Mabilis naman ang kilos ng rescue team mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na sumugod sa Camp Aguinaldo na kinaroroonan ng tanggapan ng NDRRMC at Department of National Defense, Philippine Veterans Affairs Office at AFP.
“Para silang naglalakad sa liwanag ng buwan, hindi nila sineseryoso ang drill importante itong awareness sa earthquake,” pahayag naman ni Ronald Galicia, officer in charge ng Taguig rescue team.