MANILA, Philippines - Hinamon ng apat na party-list Representatives si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Kim Henares na habulin ang malalaking “isda” na hinihinalang sangkot sa pagnanakaw ng bilyong buwis sa gobyerno.
Sinabi nina Gabriela Reps. Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus, Agham at Teknolohiya para sa Mamamayan (AGHAM) Rep. Angelo Palmones at Buhay Hayaang Yumabong Rep. Irwin Tieng na dapat din iprisinta ni Henares ang malalaking pangalan matapos itong maghain ng kasong tax evasion sa Department of Justice (DOJ) laban sa tatlong dating opisyal ng Philcomsat Holdings Corp. (PHC).
Ayon sa mga kongresista, puro maliliit na isda o mga small time tax evaders lamang ang nabibitag ng bureau habang ang mga bigtime tax evaders ay nagtatawa lamang.
Ang malupit pa anila, ang mga fixed earners o mga ordinaryong empleyado ang napapahirapan dahil ang mga ito ang siyang naapektuhan ng malaki sa pagbabayad ng buwis.