MANILA, Philippines - Puspusan ang ginagawang paglilinis ngayon ng First Philippine Industrial Corporation (FPIC) sa basement ng West Tower condominium sa Bangkal, Makati City matapos na makontamina ang tubig dito bunsod ng naganap na pipeline leak noong nakaraang taon.
Sinabi ng pamunuan ng FPIC na halos 24-oras umano ang ginagawang paglilinis ng kanilang kompanya sa nasabing basement. Bukod rito, sa susunod na tatlong linggo ay nakatakda ring maglagay ng onsite treatment facility ang kompanya upang makatugon sa water quality standards ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ipinaliwanag ng FPIC na naantala ang paglilinis sa tubig sa West Tower condo dahil sa hindi na rin pagbibigay ng permiso ng pamunuan ng West Tower at nagkaroon lamang sila ng pagkakataon na magawa ito matapos na hindi pumasa sa DENR water quality standards ang tubig rito at nag-issue ng cease-and-desist (CDO) order ang government regulator noong February na pangunahan ng FPIC ang paglilinis dito.
Samantala, tinatayang hindi bababa sa siyam na lorry trucks ang dumarating araw-araw sa West Tower condominium upang maibyahe ang wastewater mula sa basement nito. Ang CH2MHiLL contractor na siyang kinontrata ng FPIC ay recognized sa buong mundo bilang environmental remediation company na siya namang nagdisenyo sa multi-phase extraction system na ginawa pa sa Estados Unidos.