Mga produkto galing Japan dadaan sa radioactive scan
MANILA, Philippines - Inutos na ang “radioactive scan” sa mga produkto mula sa Japan na papasok sa bansa.
Sinabi ni Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) Director Dr. Alumanda dela Rosa, nakarating na sa kanila ang impormasyon na nakitaan na ng bakas ng radiation ang mga produktong gatas at spinach buhat sa Fukushima, Japan. Apektado na rin ang tubig ng dagat sa paligid ng planta na ginagamit ng mga otoridad para palamigin ang nagbabagang mga nuclear reactor.
Gagamitin sa North at South Harbour sa Port of Manila ang radiation portal monitor na donasyon sa Pilipinas ng United States of Energy.
Kasya umano sa naturang “high tech” na aparato ang isang container van para masuri kung nagtataglay ng radioactive materials ang laman nito. May tatlong radioactive scanner naman sa laboratoryo ng PNRI na kayang sumuri ng tig-walong samples ng produkto kada araw.
Sa mga pantalan na walang sapat na kagamitan para sumuri ng mga radioactive na mga produkto, pinapayo ng PNRI na ipadala sa kanila ang mga samples ng mga produkto upang sila ang sumuri.
Kabilang sa ipinasuri sa kanilang tanggapan ang mga noodles, chocolates, tea, gatas at iba pa.
- Latest
- Trending