MANILA, Philippines - Inalis na kahapon ang pangalan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa wanted list ng Interpol Red Notice kaya malaya na siyang makakagala sa loob at labas ng bansa.
Ito’y bilang pagsunod sa naging kautusan ng Court of Appeals (CA) na walang nakitang probable cause o sapat na basehan upang idiin ang senador sa pagkakasangkot sa kaniya sa pamamaslang kina dating publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Foreign Liaison Division chief, Atty. Claro de Castro Jr., na agad inaksiyunan ng Interpol ang inihaing request ng Philippine government na i-delist si Lacson sa Red Notice.
“Actually nung malaman namin na meron ng decision iyong Court of Appeals regarding the lifting of the validity of the warrant of arrest issued against Senator Lacson, immediately we requested the Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) for the lifting of the Senator’s name in the Interpol Red Notice,” pahayag ni de Castro matapos makipag-ugnayan ang PCTC sa Interpol.
Nilinaw ng opisyal na mismong ang NBI ang naghain ng request noong Pebrero ng 2010 na itala si Lacson sa Red Notice kaya ito rin ang humiling na burahin ang pangalan ni Lacson, na agad ring natanggal dahil sa automated naman umano ang search facilities.