MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Rep. Neil Tupas Jr. na naging patas ang Kamara at sinunod ang due process kaugnay sa deliberasyon sa impeachment complaint laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.
Sinabi ni Rep. Tupas, chairman ng house committee on justice, sa kanyang sponsorship speech sa plenaryo ng Kamara kagabi na sinunod ng kanyang komite ang due process sa complaint laban kay Gutierrez.
Iniharap ni Tupas ang House Resolution 1089 o ang betrayal of public trust laban kay Gutierrez kung saan ay kabilang ang impeachable offense ng Ombudsman sa NBN-ZTE deal, Pestano case, Euro generals, fertilizer fund scam at Mega Pacific deal at ang mababang conviction rate nito.
Nasa 212 lamang mula sa kabuuang 284 na kongresista ang dumalo sa sesyon kagabi at ang kailangang boto para ma-impeach si Gutierrez ay 95.
Sinimulan na kagabi sa plenaryo ng Kamara ang pagtalakay sa impeachment proceedings ni Gutierrez upang pagbotohan na ito para mai-transmit na ito sa Senado na magsisilbing impeachment court.
Hinimok din nina Rep. Rodolfo Fariñas at Samar Rep. Raul Daza ang kanilang kasamahan na bumoto para sa pag-impeach kay Gutierrez upang magkaroon ng pagkakataon ang Ombudsman na ipagtanggol ang kanyang sarili sa korte—at ito ay ang Senado na magiging impeachment court.
Tumayo naman si House Minority Leader Edcel Lagman upang harangin ang botohan dahil na rin sa kumalat sa text na nagmula umano kay Rep. Joseph Abaya, chairman ng house appropriations committee, na nagsasabing ang hindi boboto ng pabor sa impeachment ni Gutierrez ay zero ang makukuhang pork barrel. Itinanggi naman ni Abaya na nagmula sa kanya ang nasabing text message.
Nais ni Rep. Lagman na imbestigahan muna ng Kamara ang nasabing text message na nakakasira sa imahe ng Kamara bago pagbotohan ang impeachment case ni Gutierrez.
Samantala, ipinagtanggol naman ni Zambales Rep. Mittos Magsaysay ang Iglesia Ni Cristo sa akusasyong gumagapang ito para huwag mapatalsik si Gutierrez.
Habang isinusulat ito ay patuloy pa ang debate ng mga kongresista na pabor at tutol sa impeachment ni Gutierrez kagabi sa plenaryo ng Kamara. Inaasahan naman ni House Deputy Majority Leader Erin Tañada na aabutin ng hatinggabi bago mapagbotohan ang impeachment kay Gutierrez.