MANILA, Philippines - Nakaamba umano ang isang 7.2 magnitude lindol sa Metro Manila matapos aminin kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) na ‘hinog’ na at maari ng gumalaw ang Marikina West Valley fault line.
Sa pagdinig ng Senate Commitee on Climate Change at Environment and Natural Resources na pinamumunuan nina Sens. Loren Legarda at Juan Miguel Zubiri, sinabi ni Phivolcs deputy director Bartolome Bautista na base sa isinagawang Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study noong 2004, tuwing 200 hanggang 4000 taon umano gumagalaw ang nasabing fault line at huli itong gumalaw 200 taon na ang nakakaraan. Ang nasabing fault line umano ay matatagpuan mula Sierrea Madre hanggang sa Tagaytay.
Wika ni Bartolome, napakataas na ang probability na gumalaw ito “in the future” bagaman at hindi pa masasabi ang eksaktong araw at oras.
Wika niya, pumapasok na sa tinatawag na “recurrence time” o cycle na 200 taon kaya masasabing ‘hinog’ na sa paggalaw ang Marikina fault line.
Sinabi naman ni Zubiri na mahalagang masilip ang nasa 1.3 milyong building at structures sa Metro Manila upang matiyak ang katatagan ng mga ito sakaling tamaaan ng malakas na lindol ang bansa.
Lumabas din sa pagdinig na mas delikado sa lindol ang mga mabababang building o structures lalo na ang mga low-cost buildings dahil karamihan sa mga ito ay itinayo ng hindi sumusunod sa building code.
Karamihan umano sa mga mabababang buildings ay basta-basta na lamang nagdadagdag ng palapag kumpara sa mga high-rise buildings na nakakakuha ng mga magagaling na inhinyero at arkitekto kaya mas nakakasiguro na mas matatag ang mga ito.
SInabi naman ni DPWH Sec. Rogelio Singson, siyam (9) na tulay sa Metro Manila ang natukoy na nila na nangangailangan ng repairs at nasa 1,100 na pampublikong gusali ang nasuri pero hindi pa kasama dito ang GSIS building kung saan umuupa ang Senado.
Ginawa ng dalawang komite ang imbestigasyon upang matukoy ang kahandaan ng gobyerno sakaling maranasan ng bansa ang malakas na lindol na tumama sa Japan.