Death toll sa lindol, tsunami aabot sa 10-libo
MANILA, Philippines - Posibleng umabot sa 10,000 katao ang patay sa naganap na 8.9 magnitude na lindol at tsunami sa Japan matapos na mabura sa mapa ang ilang coastal town na may libu-libong mamamayan na nakatira.
Ayon kay Phl Ambassador to Japan Manuel Lopez., nagtungo na ang team ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo sa northeast region sa Japan upang alamin kung may Pinoy casualty.
Base sa report, ang coastal town ng Minamisakiru na may 18,000 residente ay niragasa ng tsunami at nananatiling kalahati sa nasabing bilang ang hindi matagpuan na pinaniniwalaang tinangay ng matinding alon kasama ng kanilang bahay, gusali, mga sasakyan at bangka.
Nabatid na inabot ang may 33 talampakang tsunami ang may 3.3 kilometro o 2 milyang bahagi ng Minamiskiru coastal town kung saan may 10,000 katao ang tinatayang nakatira.
Bukod dito, nakapagtala na kahapon ang Japan Ministry ng 977 katao na kumpirmadong patay, habang libo pa ang nawawala sa ibang lugar sa Sendai City.
Bagaman mas tinamaan ang Sendai dahil pinakamalapit ito sa sentro ng lindol ay hindi pa kabilang sa nasabing pagtaya ang bilang ng mga biktima sa mga lugar sa Kesennuma, Fukushima at Miyagi.
Ayon kay Ambassador Lopez, naka-pokus sila ngayon sa may 4,500 Pinoy na nasa northeastern region kabilang na ang Sendai City na may 1,309 Pinoy.
Tiniyak ni Lopez na nasa ligtas na kalagayan ang libu-libong Pinoy na nasa Tokyo, Osaka at iba pang western regions sa Japan.
Ang Embassy hotline numbers para sa mga gustong makipag-ugnayan ay (00813) 5562-1570, (00813) 5562-1577 at (00813) 5562-1590 o kaya mag-email sa [email protected].
Ang OWWA hotline para sa OFWs sa Japan ay 551-1560, 551-6641, 833-6992, and text 0917-898-6992.
- Latest
- Trending