MANILA, Philippines - Hiniling ng migrant groups sa Gitnang Silangan kay Pangulong Noynoy Aquino na maglagay na ng envoy o ambassador ng Pilipinas sa Embahada sa Saudi Arabia dahil mahigit limang buwan na umano itong halos naka-tiwangwang.
Sinabi ni Migrante Middle East regional director John Leonard Monterona na dapat agad na magtalaga ang Pangulo ng Ph envoy sa Saudi dahil na rin sa posibleng paglala ng sitwasyon sa Gitnang Silangan na pinangangambahang maapektuhan ang Saudi sa mga pagkilos.
Nabatid na simula nang umalis si Philippine ambassador to Saudi Arabia Antonio Villamor sa kanyang puwesto may mahigit limang buwan na ang nakalilipas ay wala pang pumapalit sa kanya.
Sinabi ng Migrante ME na may mahigit 2,000 Pinoy na nakakulong sa Saudi ang nag-aantabay na sila ay mapalaya sa pamamagitan ng ibinibigay na amnestiya o Royal pardon ng lider ng Saudi.
Kapag walang representasyon ang Pilipinas sa mga OFWs na nakakulong ay hindi umano sila mapapabilang sa mga mabibigyan ng Royal pardon.
Tinataya na may 1,200 OFWs na nakapiit sa iba’t ibang bilangguan sa Saudi na may kinakaharap na petty crimes ang umaasa na makakakuha sila ng Royal pardon sa pagsusulong na rin ng pamahalaan sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi.
May 1.2 milyong Pinoy ang kasalukuyang nagtatrabaho sa buong Saudi kingdom at naitala noong 2010 na umaabot sa $1.2 bilyon ang remittances nila sa Pilipinas at inaasahan ngayong taon ay lolobo pa ito sa $2.6 bilyong remittances.