Flower box hiling itayo sa center island ng Commonwealth Ave.
MANILA, Philippines - Dahil sa magkasunod na pagkamatay ng dalawang matandang babae, imumungkahi ng pamunan ng Quezon City Police Traffic Sector na sa halip na barbwire ay tayuan ng flower box na kasukat ng tao ang center island ng Commonwealth Avenue.
Ito ang sinabi ni SPO4 Edgardo Talacay ng Traffic Sector 5 ng QCPD, bilang pangunahing solusyon sa problema ng mga nabibiktima ng hit-and-run sa nasabing kalsada.
Ayon kay Talacay, pangunahing sanhi ng umano ng pagdami ng bilang na naaksidente sa Commonwealth Avenue ay bunga ng pagtawid at hindi paggamit ng overpass ng mga pedestrian.
Kaya naman sa sandaling maisakatuparan anya ang paglalagay ng flower box na bagama’t may malakihan ang halagang gugugulin ay wala namang mangangahas pang tumawid na pedestrian dito.
Base sa kanilang pagsisiyasat, pangunahing dahilan ng pagtaas ng aksidente ang kawalan ng disiplina ng mga pedestrian na karamihan ang idinadahilan ng hindi paggamit ng pedestrian overpass ay madilim ang lugar at natatakot na baka sila malaglag sa kalsada.
Dahil dito, kung kaya nagbabakasakali na lang ang mga ito na tumawid kaysa ang gumamit ng overpass sa akalang mas ligtas sila sa pamamagitan nito.
Nilinaw ni Talacay na ang palalagay ng overpass ay inilaan ng city government para sa kaligtasan ng mga pedestrian pero marami pa rin ang hindi sumusunod.
- Latest
- Trending