9-libo Pinoy nailikas na sa Libya
MANILA, Philippines - Umaabot na sa mahigit siyam na libong Pinoy ang nailikas sa Libya.
Sa huling tala ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, may 9,231 Filipino nationals ang nakalabas na sa Libya at 859 dito ay nakauwi na sa Pilipinas.
Nakapag-evacuate ang pamahalaan ng 1,290 noong Martes sakay ng barkong MV Ionian Queen, ang inupahang barko ng DFA mula sa Gulani Port sa Benghazi City.
Noong Linggo, may 3,000 Pinoy ang nakalabas sa Benghazi patungong Egypt matapos na isponsoran ang kanilang sasakyan ng kani-kanilang employer.
Isang Pinoy na si Teresita Trabolsi, na matagal nang nakatira sa Benghazi ang nagsabi na habang nasa Benghazi airport ang mga inilikas na Pinoy ay mismong ang isang anak ni Libyan president Moammar Gadhafi na nagmamay-ari ng kumpanyang pinapasukan ng mga lumikas na Pinoy ang nagbigay sa mga evacuees ng pagkain.
May 730 Pinoy pa ang nasa Tunisia matapos na maglakbay sakay ng 53 vehicle convoy mula Tripoli.
Sa Egypt, may 1,400 Pinoy ang nakatawid na sa Libya-Egypt border. Sila ay ililipad pa-Manila sakay ng chartered planes.
Tatlong chartered flights ang lilipad naman palabas ng Djerba Airport na may sakay na 538 Pinoy. Sila ay dadalhin sa Dubai at dito sasakay ng commercial flights pauwi sa Manila.
Kahapon ay dumating na sa bansa ang may 186 OFWs mula sa Libya via Tunisia na lumikas at sinundo ni DFA Secretary Albert del Rosario matapos ang dalawang araw na pagkabalam.
Inihayag naman ni OWWA administrator Carmelita Dimzon, ang natitirang 13,000 OFWs ay nananatili pa sa Libya dahil ayon sa kanila sila ay ligtas at malayo sa mga demonstrasyon.
Sinabi naman ni Vilma Guillemer, 40, at isang midwife sa Tripoli na may German employer, na tinulungan silang mga kababaihan at mga bata para maka-akyat sa may walong piye na pader para makapunta sa border.
“Hindi biro ang taas ng pader pero kailangan akyatin ito para makapunta sa border ng Tunisia. Mataas iyong pader pero kailangan panikin ng mga bata upang makaabot agad sa border ng Tunisia, binilin na rin sa akin iyong 3 anak ng kaibigan ko kaya tinangay ko silang anim kasama ng 3 kong anak for safety,” kwentoi ni Guillemer.
Binatuhan din sila ng mga tinapay at tubig para makakain at makainom habang patungo sa border kasama ang ibang nationality. (Ellen Fernando/Butch Quejada)
- Latest
- Trending




















