MANILA, Philippines - Takdang dinggin ng House Justice Committee ang kasong impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Sinabi ng vice chairman ng komite na si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas na binibigyan nila si Gutierrez ng sapat na panahon para sagutin ang mga akusasyon laban dito.
“Binigyan namin siya, binibigyan at bibigyan pa rin ng bawat oportunidad na maiprisinta niya ang kanyang panig sa komite sa loob ng panahong ibinigay namin para sa kanya. Kahit hindi siya sumagot, itutuloy namin ang pagdinig sa Marso, 1, 2, 8 at 9,” sabi ni Farinas kahapon.
Idiniin pa ni Farinas na mawawala ang karapatan ni Gutierrez na sumagot kapag hindi siya dumalo sa mga pagdinig. “Tinatalikuran na niya ang kanyang karapatan kapag hindi siya nagpakita. Ang totoo niyan, hindi na kakailangan ang pagdinig kung makakakuha lang kami ng 1/3 vote para maisampa ang article of impeachment,” dagdag ng mambabatas.
Sinabi naman ni Iloilo Rep. Neil Tupaz na meron na lang si Gutierrez ng hanggang ngayong araw na ito, Pebrero 28, para sagutin ang mga akusasyon laban dito.
Sinabi naman ni Gutierrez na ginagantihan lang siya ng mga mambabatas. Sinabi pa niya na sumasakay sa isyu ang mga mambabatas para pabanguhin ang kanilang pangalan. Iginiit ni Gutierrez na hindi niya ihahain ang kanyang sagot hangga’t walang pinal na desisyon ang Supreme Court sa kanyang petisyon laban sa justice committee.