Extradition ni Aquino kinatigan ng US court
MANILA, Philippines - Pinagtibay ng Court of Appeals sa Estados Unidos ang utos na pagpapapa-extradite kay dating Police Officer Michael Ray Aquino na hiniling ng gobyerno ng Pilipinas kaugnay ng pagpatay kay PR man Bubby Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito.
Iibinasura ng US Court of Appeals for the Third Circuit ang petisyon ni Aquino at kinatigan ang naunang desisyon ng US District Court of New Jersey na nauna nang nagbasura sa inihaing pagkontra ni Aquino sa extradition request ng Gobyerno ng Pilipinas.
Kumbinsido ang US Court of Appeals na sapat ang mga ebidensya para sabihing may probable cause ang reklamo laban kay Aquino na inaakusahang nakipagsabwatan para paslangin sina Dacer at Corbito.
Hindi binigyan ng bigat ng Appellate Court sa Amerika ang ginawang pagpuna ni Aquino sa kabiguan ng District Court na ikunsidera ang DNA evidence dahil hindi naman iyon pormal na hiniling ni Aquino.
Tinukoy pa sa nasabing desisyon na kahit pa iginiit noon ni Aquino sa District Court ang pagbibigay ng konsiderasyon sa DNA evidence ay hindi pa rin magbabago ang resulta.
Iginiit ni Aquino sa kanyang petisyon na nagnegatibo sa human DNA ang mga buto na narekober sa lugar kung saan natagpuan ang umano’y mga labi ni Corbito at Dacer. Tinukoy naman ng Korte na sa kaparehong ulat tungkol sa DNA na tinutukoy ni Aquino, nakasaad na posibleng malabo nang masuri para sa human DNA ang mga buto dahil sunug na sunog na ang mga buto nang marekober.
- Latest
- Trending