Ituloy ang diwa ng EDSA - PNoy
MANILA, Philippines - Nanawagan si Pangulong Noynoy Aquino sa taumbayan na ituloy ang diwa ng EDSA People Power revolution tungo sa pagkakaisa subalit binatikos naman nito ang Marcos at Arroyo administrations.
“Naniniwala tayo na sa halip na magkawatak-watak maari tayong magkaisa. Sa halip na magnakaw, maari tayong maging tapat sa katungkulan. At sa halip na matakot maari tayong magtiwala sa pamahalaan,” wika ng Pangulo sa kanyang mensahe sa ika-25 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa ginanap na flag-raising ceremony sa People Power monument.
Aniya, sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala ng taumbayan makakamit ang responsableng pamamahala at tamang paggastos sa buwis ng taumbayan.
“Sa kasamaang palad, ayaw man aminin ng ilan, hindi nangyari sa nakalipas na dekada ang dalawang bagay na ito. May naging taksil sa kanilang katungkulan. May mga naglimas sa kaban ng bayan. Kaya naman todo kayod ang inyong gobyerno sa pagpapatupad ng reporma upang matugunan ang pangangailangang ng taumbayan,” dagdag pa ng Pangulo.
Samantala, pangkalahatang naging matahimik, maayos at payapa ang isinagawang paggunita sa ika 25-taong anibersaryo ng Edsa People Power 1 kahapon.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Nicanor Bartolome, walang silang naitalang “untoward incident” sa kahabaan ng Edsa habang isinagawa ang pagdiriwang.
Si Pangulong Noynoy, Vice President Jejomar Binay, sina dating Pangulong Fidel V. Ramos at Joseph “Erap” Estrada, House Speaker Feliciano Belmonte at iba pang opisyal ng pamahalaan at mga kilalang personalidad ang dumalo at nanguna sa okasyon.
Sa pagtaya ng pulisya ay aabot sa kalahating milyong tao, mula sa hanay ng mga estudyante, manggagawa, madre, pari, ibat-ibang goverment at NGOs ang sumaksi at nakiisa sa anibersaryo.
Pinasinayaan din ng Pangulo ang monumento ni Jaime Cardinal Sin sa tabi ng monumento nina dating Pangulong Cory Aquino at Sen. Ninoy Aquino Jr. sa kanto ng P. Burgos sa Luneta Park, Manila.
Aniya, mahalaga ang naging papel ni Cardinal Sin upang himukin ang taumbayan na makiisa sa EDSA People Power revolution na nagpatalsik sa Marcos dictatorship.
Dumiretso naman ang Pangulo sa POEA head office sa kanto ng EDSA at Ortigas kung saan ay nagkaroon ng job fair.
- Latest
- Trending