MANILA, Philippines - Nagbabala ang isang kongresista na miyembro ng House Minority bloc kay President Noynoy Aquino na himayin o suriin nitong mabuti ang mga itinatalaga niya sa puwesto partikular ang kanyang mga gabinete at alamin nito ang kredibilidad at integridad na inilalagay niya ay maayos.
“President Aquino run on a platform of good government, transparency and accountability. Gusto niya maging daang matuwid na po tayo. Dapat ang iaappoint mo sa cabinet mo o any government post are people who have the credibility and integrity beyond reproach,” sabi ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay, kahapon.
Isa kasi sa mga gustong ilagay daw ni Aquino ay si dating Bukidnon Rep. Nereus Acosta bilang Secretary ng DENR.
Si Acosta ay tumakbong senador sa ilalim ng Liberal Party pero natalo.
Sinasabing si Acosta ay may nakabinbing three counts na graft case sa Sandiganbayan tungkol sa umano’y hindi tamang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), para i-finance ang Bukidnon Integrated Network of Home Industiries, INC. (BINHI) at ang Bukidnon Vegetable Producers Cooperative. Ang dalawang nabanggit na kompanya ay pribado at sinasabing pinatatakbo ng kanyang mga kamag-anak at amang si Juan Acosta, ina nitong si Socorro Acosta at isang tiyahin nito.