1 taon, 6 buwan kay Singson!
MANILA, Philippines - Hinatulan kahapon ng Hong Kong court ng isang taon at anim na buwang pagkabilanggo si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson dahil sa kasong drug trafficking.
Sa desisyon ni Judge Joseph Yao ng Wan Chai District Court, si Singson, 42-anyos, ay napatunayang nagkasala dahil sa pagpupuslit ng 6.67 gramong cocaine na may market value na mahigit $2,000 at dalawang tableta ng Nitrazepam o Valium na nakatago sa kanyang bagahe at pantalon habang papasok sa Chek Lap Kok International Airport sa Hong Kong noong Hulyo 11, 2010.
Mula sa inaasahang tatlo at kalahating taon na pagkakulong, bumaba ito sa isa at kalahating taon matapos paniwalaan ni JudgeYao ang depensa ni Singson na pang-sarili lamang niyang gamit ang nasabing droga at hindi pambenta dahil kumukonsumo lamang siya ng 3 gramo ng cocaine kada araw matapos umamin na isa siyang user sa loob ng maraming taon.
Sinabi ni Yao na binabaan din ang hatol kay Singson dahil sa magandang behavior o asal na ipinakita nito habang nasa Hong Kong at sa maraming natulungan sa Pilipinas.
Ibabawas naman sa nasabing hatol ang 40 araw na ibinuno ni Singson sa kulungan bago siya nakapagpiyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Ikinonsidera din ng hukom ang magandang katayuan ni Singson bilang isang negosyante at congressman kaya mahirap paniwalaan na ibebenta niya ang droga na nakuha sa kanya para lamang kumita ng pera.
Bukod sa magulang ni Singson ay naroroon din sa HK ang nobyang si Lovi Poe nang hatulan siya ng korte kahapon ng alas-2:30 ng hapon.
Sinabi naman ni Ilocos Gov. Chavit Singson, mismong ang kanyang anak ang mag-aanunsiyo ng kanyang desisyon kung magbibitiw na ba ito bilang miyembro ng Kamara. (Ellen Fernando/Rudy Andal)
- Latest
- Trending