MANILA, Philippines - Tanging ang pagdadagdag ng trabaho ang nakikitang solusyon ng Simbahang Katoliko upang matapos na ang paghihirap ng mga overseas Filipino workers sa ibang bansa.
Ayon kay Cebu Archdiocese Spokesman Msgr. Achiles Dakay, umaapela sila kay Pangulong Aquino na lumikha ng maraming trabaho upang tuluyan nang matigil ang pangingibang bansa ng mga manggagawa matagal nang nagtatrabaho.?Giit ni Dakay, panahon na upang makabalik na sa bansa ang mga OFW na minamaltrato at nakakaranas ng takot sa gitnang silangan dahil sa kaliwa’t kanang kilos protesta ng mga tao doon.
Aniya, dapat mag-doble kayod ang gobyerno sa paglikha ng trabaho at huwag umasa sa dollar remittances. Nakalulungkot aniyang isipin na sa loob ng halos walong buwan nitong panunungkulan sa bansa ay wala pa itong nagawa para tugunan ang kahirapan at kawalan ng trabaho ng milyun-milyong Filipino.