Trillanes nawala ang pagka-maginoo - PMA
MANILA, Philippines - Isang kalabisan at nawala umano sa pagiging maginoo o ang tinatawag na ‘uncavalier behavior ‘ si dating Navy Lt. Sr. Grade at ngayo’y Sen. Antonio Trillanes IV sa lantaran nitong pambabastos sa nag-suicide na si dating AFP Chief of Staff at dating Defense Chief ret. Gen. Angelo Reyes.
Ito ang reaksyon nina Philippine Military Academy (PMA) Superintendent Vice Admiral Leonardo Calderon at dating AFP Chief of Staff ret. Gen. Hermogenes Esperon Jr. sa hindi magandang pagtrato ni Trillanes laban kay Reyes kaugnay ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa AFP fund mess.
Si Reyes ay inilibing na kamakalawa sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City kung saan ginawaran ito ng ‘full military honors’.
Sinabi ni Calderon na nalulungkot siya sa mga binitiwang salita ng junior officer laban sa kanyang senior officer dahilan kadete pa lamang ay hinuhubog na ng PMA ang kanilang mga estudyante sa kagandahang asal bagay na hindi isinabuhay ni Trillanes.
Aniya ang isang officer ay hindi binubulyawan at hinihiya sa harapan ng maraming tao ang kaniyang mga subordinate pero sa inasal ni Trillanes ay ito pa ang nang-alipusta sa dating Chief of Staff na sinabihan nitong walang reputasyong dapat protektahan sa taumbayan na naghuhusga na gayong nag-uumpisa pa lamang ang imbestigasyon.
Sa kabilang dako, inilarawan ni Calderon si Reyes bilang honorable man sa kabila ng pagkakasangkot sa sinasabing pabaon system sa AFP kung saan binaon nito hanggang hukay ang sinasabing ‘mastermind’ na nasa likod ng nasabing katiwalian.
Ayon naman kay Esperon, kalabisan ang pagtawag sa isang tao ng walang reputasyon, sa kabila ng minsang pamumuno nito sa hanay ng 135,000 malakas na puwersa ng AFP at sa apat na pagkakataon ng pag-upo nito sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
“Napaka-arogante at sobrang yabang na niya (Trillanes) ngayon,” ani Esperon na aminadong nasaktan siya para sa kaniyang dating superior lalo’t kilala niya itong isang mabuting tao.
- Latest
- Trending