Sa araw ng mga puso: Paghihiganti, galit alisin - Obispo
MANILA, Philippines – Pinayuhan ng isang Obispo ang publiko na alisin ang galit at paghihiganti upang magkaroon ng maayos na pusong pang-ispiritwal at maging malusog ang pusong-pisikal.
Ang payo ni Antipolo auxiliary Bishop Francisco de Leon ay bunsod na rin ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso sa Lunes. Aniya hindi lamang pagmamahalan sa pamamagitan ng nag-iibigan ang pagdiriwang ng Valentines Day kundi maging ang ispiritwal.
Aniya, sa pamamagitan ng pagwawaksi sa nararamdamang pait, pighati at paghihiganti ay gagaan ang pakiramdam. Ang tao ay may katawan, isip at kaluluwa na dapat iniingatan.
Sinabi ni de Leon na sa halip na puro negatibo, dapat isipin ng tao kung ano ang magagawa niyang tama sa kapwa.
“Tingnan kung ano ang mga bumabara sa ating spiritwal na puso, bitterness, hurt, maaring ayaw magpatawad, ‘pag hindi inalis hindi lang makakaapekto sa spiritual heart kundi sa physical heart kasi related ang dalawa,” sabi pa ng obispo.
Maaari naman anyang lagyan ng positibo gaya ng pagmamahalan, pagbibigayan, pagpapatawad, kapayapaan, at pag-aalalay ng puso sa Diyos.
- Latest
- Trending