Pinas 'di magso-sorry sa Taiwan
MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ng Malacañang na hindi ito hihingi ng paumanhin sa Taiwan government kaugnay sa pagpapadeport sa 14 Taiwanese sa China.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa media briefing, hindi kailangang mag-apologize ang Pilipinas kaugnay ng pangyayari dahil iginagalang natin bilang bansa ang One-China policy.
Noong Disyembre ay 14 Taiwanese at 10 Chinese ang naaresto dahil sa scam o panloloko sa mga mainlanders na nagkakahalaga ng $20 milyon.
Ipinadeport ng Pilipinas ang lahat ng ito sa China sa kabila ng apela ng Taipeh na pabalikin na lamang sa Taiwan ang 14 Taiwanese para harapin ang kanilang kaso.
Aniya, hindi papayagan ng gobyerno na magtago sa Pilipinas ang mga dayuhang may kinakaharap na mga kaso sa kanilang bansa.
“The crime was committed in China. It is in our best interest to deport them to China,” paliwanag ni Sec. Lacierda.
Dahil dito, nagprotesta ang Taiwan at pinauwi na nito ang kanilang kinatawan sa Pilipinas na si Donald Dee at nagpatupad ng mahigpit na proseso para sa job applications ng mga Pinoy sa Taiwan.
Nangangamba naman ang Manila Economic Cultural Office (MECO) chief na si Amadeo Perez Jr. na posibleng mapauwi ang may 45,000 OFWs sa Taiwan bilang ganti nito sa ginawang deportation sa 14 Taiwanese sa China.
- Latest
- Trending