South Cotabato governor pabor sa responsableng pagmimina

MANILA, Philippines - Nilinaw ni South Cotabato Governor Arthur Pingoy ang pahayag niya na “ang panukalang open pit mining ng Sagittarius Mines, Inc. (SMI) ay magiging sanhi ng mga pagbaha at iba pang sakunang pangkapaligiran na napakalaking kapahamakan.”

“Ang tinutukoy ko ay ang karanasan ng Marinduque at ang posibleng mangyari kung hindi kami mag-iingat,” ani Pingoy. “Sa totoo lang, batid ko na seryoso ang SMI sa kanilang pangako para sa kaligtasan at proteksiyong pangkapaligiran.”

Aminado ang gobernador na may malungkot tayong kasaysayan sa industriya ng pagmimina at kailangang tiyakin ng mga kompanya sa pagmimina na ang kanilang mga proyekto ay ligtas sa kapaligiran.

“Hindi ako tutol sa pagmimina; ako ay para sa reponsableng pagmimina,” paliwanag ni Pingoy. “May umiiral tayong proyekto sa pagmimina sa bayan ng T’boli at sinusuportahan ko iyon.”

Nilinaw niya ang maling ulat na sinabi niyang mapapamahak ang South Cotabato sanhi ng Tampakan copper gold project ng SMI.

“Sa panayam, sinabi ko na gusto kong siguruhin ng kompanya (SMI) ang hinggil environmental impact study”, ani Pingoy. “Ang aking basehan kung papayagan ang operasyon sa pagmimina ay ang kaligtasan ng South Cotabato batay sa environmental impact study.”

Nilinaw din ni Pingoy na nangako ang SMI na ibibigay sa kanya sa unang bahagi ng taong ito ang environmental impact study.

“In fairness sa SMI, nangako sila na ibibigay ang pag-aaral sa taong ito. Kung gayon, mababatid natin kung ligtas ang proyekto o hindi,” ani Pingoy. “Inaasahan natin ang  investment na dadalhin ng proyekto kapag nagsimula na ang operasyon ng SMI pero aalamin din natin kung ano ang mangyayari pagkatapos ng operasyon.”

Nauna rito, sinabi ng limang miyembro ng South Cotabato provincial board na lubhang kasiya-siya ang water resource management plan ng SMI sa presentasyong ginawa sa Koronadal, South Cotabato.

Show comments