MANILA, Philippines - Matapos mapuna na parang pinapabayaan lamang ng gobyerno ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pinag-iisipan ni Senator Manny Villar na pagpaliwanagin sa Senado ang ilang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino.
Ayon kay Villar, nakakabahala na ang pagtaas ng presyo ng gasolina, tubig, kuryente, toll fee at maging ng ilang basic goods.
“My committee is thinking of going thru a formal investigation in all of these. I’m hoping that we don’t have to do this because marami din kaming trabaho, napupuna ko lang parang walang umaangal, parang whatever the price increase noted lang tayo ng noted. Tubig, gasolina, kuryente, toll rate taas lang ng taas eh” sabi ni Villar, chairman ng senate committee on trade and commerce
Kabilang sa mga pinag-iisipang ipatawag ni Villar sina Energy Secretary Jose Almendras, DOTC Secretary Jose “Ping” de Jesus at DTI Secretary Gregory Domingo.
Ikinabahala ni Villar ang palpak na basehan ng DTI sa epekto ng pagtaas ng gasolina at toll fee sa presyo ng produkto sa bansa.
Matatandaan na sinabi ni DTI Undersecetary Zenaida Maglaya sa komite ni Villar nitong Miyerkules na hindi makakaapekto sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa kahit pa pumalo sa P50 ang presyo kada litro ng gasolina.
Pero sinabi ni Villar na maaapektuhan ang presyo ng produkto ng transport cost o pagbibiyahe nito.