Ex-COA auditor lalakad ng hubad 'pag naabswelto si Garcia
MANILA, Philippines - Handang lumakad ng hubad mula Sandiganbayan hanggang Welcome Rotonda sa Quezon City ang dating auditor ng Commission on Audit kapag nadismis ang kaso laban kay ex-AFP comptroller General Carlos Garcia.
Ginawa ni Heidi Mendoza ang pahayag ng humarap ito kahapon sa justice committee ng House of Representatives.
Naniniwala si Mendoza na sapat ang mga ebidensiya para maparusahan si Garcia kaya nakipag-pustahan pa umano ito sa isang kaibigan na tatakbo ng hubad sakaling makawala pa ang dating AFP comptroller.
Si Mendoza ang nag-audit ng pension fund ng mga sundalo, Balikatan fund, UN fund, at AFP Modernization fund bilang suporta sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman na noo’y pinamumunuan ni Simeon Marcelo, sa umano’y corruption sa military na kinasasangkutan ni Garcia.
Subalit ng magbitiw si Marcelo, hindi na siya pinagawa pa ng report sa audit findings ng noo’y COA chairman Guillermo Carague.
Nag-resign siya sa COA taong 2006 pero ipinatawag para tumestigo sa Garcia case.
Sinabi pa ni Mendoza na hindi niya masikmura ang plea bargain ng Ombudsman at ni Garcia.
Dumalo sa pagdinig ang mga kasalukuyan at dating military officials gaya nina Alexander Yano, Dionisio Santiago, Narciso Abaya, Generoso Senga, at dating Executive Secretary at Defense Secretary Eduardo Ermita.
Hanga naman si Sen. Miriam Defensor-Santiago sa ipinakitang katapangan ni Mendoza na muling pinanindigan ang mga natuklasang korupsiyon sa militar.
Ayon pa kay Santiago, dapat paniwalaan ang sinabi ni Mendoza at kung totoo ang mga inihayag nito, lalabas na totoo rin na inutusan ito ng kaniyang dating boss sa COA na maghinay-hinay sa kaniyang trabaho.
Samantala, inilagay na sa Witness Protection Program si Mendoza.
Ayon sa DOJ, kapani-paniwala si Mendoza at dapat bigyan ng proteksiyon laban sa mga bantang maaari nitong matanggap bunga ng kanyang gagawing pagsisiwalat.
- Latest
- Trending


















