MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson sa korte sa Hong Kong na hawak niya ang droga na nakumpiska sa kanya habang papasok sa Chek Lap Kok International Airport noong nakalipas na taon at halos pitong taon na siyang user o gumagamit ng ilegal na droga.
Sa kanyang pagharap sa Wan Chai District court sa Hong Kong, inamin ni Singson na simula noong taong 2004 ay isa na siyang user ng ipinagbabawal na gamot partikular ang cocaine.
Inamin din ni Singson na dumanas siya ng matinding depresyon noong 2007 sanhi upang labas-pasok siya sa ospital at ma-diagnos ng doktor na may severe depression.
Nagsimula din umano siyang gumamit ng may 4 hangang 5 gramo ng cocaine noong nakalipas na taon, bago ang kanyang pagkakahuli sa HK International Airport noong Hulyo 11, 2010.
Ibinunyag din ng kongresista sa korte na isang nagngangalang Benjie Leobin ang nagsu-supply umano sa kanya ng ilegal na droga habang ang cocaine na nakuha sa kanya ay ipinasa lamang umano sa kanya sa airport at ang nagpasa ay nakatakas.
Nag-plead guilty si Singson sa kasong drug trafficking matapos na makuha sa kanyang hand carry bag ang may 26.1 gramo ng cocaine na napababa sa 6.6 gramo ng cocaine at dalawang tabletang diazepam o Valium.
Ang magiging hatol ng hukom ay inaantabayanan na ng kampo ng kongresista matapos ang pag-amin nito sa kanyang kaso.