Comelec binira sa poll protest sa Taguig
MANILA, Philippines - Nanawagan si Taguig City Councilor Arvin Ian Alit sa Commission on Elections na irespeto ang proseso na kung saan dapat may prayoridad ang kaso niya sa ballot boxes sa protesta niya laban kay ex-Mayor Freddie Tinga kaysa sa protesta ni ex-Justice Dante Tinga laban kay Taguig Mayor Lani Cayetano.
Sinabi ni Alit na tumakbong kongresista sa Taguig sa halalan noong nakaraang taon na ang hinihingi niya ay katarungan at patas na pagtingin sa batas ng mga namamahala sa mga protesta sa eleksyon.
Ginawa ni Alit ang panawagan dahil sa hindi umano pagbibigay ni Comelec Chairman Sixto Brillantes ng prayoridad sa kanyang kaso.
“Mas may prayoridad kaysa sa Commission on Elections ang House of Representatives Electoral Tribunal hinggil sa mga election protest at possession ng mga urna. Pero sumusobra ang Comelec at inuuna ang kaso ni Tinga sa pagtatangka nitong mabawi ang mga urna sa Taguig,” sabi pa ni Alit.
Kinukuwestyon ni Alit ang pagbibigay ng prayoridad ng Comelec sa kaso ni Tinga na number 44 sa protest list. Binatikos niya ang pagpupumilit ng Comelec na ilipat sa isang bodega ang mga urna sa Taguig na hindi secured at madaling mapagpalitan ng balota.
Iginiit ni Alit ang kanyang karapatang maunang asikasuhin ang kanyang protesta na naaayon sa tamang proseso at nakasaad sa batas.
Pinuna pa ni Alit na, nang araw na magsampa ng isang kahilingan si ex-Justice Tinga, agad ding nagpalabas ng kautusan para rito ang Comelec.
- Latest
- Trending