Amnesty ni Trillanes et al aprubado na
MANILA, Philippines - Inaprubahan na kahapon ng Department of National Defense (DND) ang aplikasyon sa amnestiya ng grupo ni dating Navy Lt. Senior Grade at ngayon ay Senador Antonio Trillanes IV matapos masangkot sa dalawang bigong coup de etat laban sa nakalipas na administrasyon.
Kinumpirma ni Defense Spokesman Eduardo Batac na kabilang si Trillanes sa unang batch na naaprubahan ang amnesty application ni Defense Secretary Voltaire Gazmin.
Ang nasabing pag-apruba ni Gazmin ay isusumite naman kay Pangulong Benigno Aquino III para sa pinal na desisyon sa kasong kinasangkutan ng grupo ng mga mutineers na pinangungunahan ni Trillanes.
Ang grupo ni Trillanes ay nasangkot sa may 300 opisyal at mga enlisted personnel ng AFP sa Oakwood mutiny noong Hulyo 27, 2003 at Manila Peninsula siege noong Nobyembre 29, 2007 sa mga bigong pagtatangkang ibagsak ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Nabatid na ang grupo ni Trillanes ay nagsumite ng amnesty application mula Enero 4 hanggang 7 ng taong ito alinsunod sa ibinigay na go signal ng palasyo ng Malacañang.
“We just wanted to complete the first batch as soon as possible, basta by batches naman yung approval,” ani Batac kung saan kabilang ang grupo ni Trillanes.??
Nabatid sa opisyal na walang tumutol sa binuong Amnesty Committee sa amnesty application nina Trillanes kaya mabilis itong naaprubahan. Samantalang aabot na sa mahigit 200 mutineers ang nagsumite ng amnesty application. Inaasahan namang susunod ng maaprubahan ang iba pang amnesty application.
- Latest
- Trending