MANILA, Philippines - Inatasan ng Court of Appeals ang isang operator-dealer ng Petron gas station sa Sta. Mesa, Manila na magbayad sa Petron corporation dahil sa hindi nito paglisan sa gas station na kanilang inuupahan noong taong 2000.
Sinasabi sa 22 pahinang desisyon ng Appellate Court Special 13th Division na dapat ay kaagad binakante ni Amanda T Cruz ang lugar kung saan nangungupahan ito dahil napaso na ang kanyang kontrata noon pang 1992.
Pinaboran ng CA ang apela ng mga abogado ng Petron Corp. na sina Attorneys Liberador Villegas, Eric Estoesta, Guillermo Hernandez at Charlie Bite sa kasong sibil at binaligtad ang November 28, 2007 decision ng Manila Regional Trial Court Branch 34.
Pinagbabayad ng CA si Cruz ng P20,000 sa bawat isang defendant-appellants bilang exemplary damages at P100,000 para sa kanilang attorney’s fee.
Nag ugat ang kaso matapos na i-take over ng Petron Corp ang operasyon ng gas station sa Altura Sta. Mesa Maynila kung saan mayroong kontrata ang Petron at si Cruz.
Base sa record ng korte, noong Mayo 17, 2000, kinubkob ng Petron officials at legal officers kasama ang may 40 hanggang 50 armadong opisyal ang gasoline station sa naturang lugar at sapilitang pinaalis ang cashier at attendant dito.
Pinabulaanan naman ng Petron ang akusasyon ni Cruz at sinabing hindi na si Cruz ang operator ng Petron Gas station sa Altura Sta. Mesa simula nang ma expire ang kontrata nito noong 1992.
Sinabi ni Associate Justice Jose Reyes Jr. na ang pagtake over ng Petron at mga abogado nito sa gas station ay hindi ginawa ng “bad Faith” dahil sa tumanggi naman si Cruz na bakantehin ang lugar sa kabila ng notice of termination na ipinadala dito.