MANILA, Philippines - Isasagawa ng House of Representatives ang isang hiwalay na imbestigasyon sa ligalidad ng plea bargaining agreement ng Office of the Ombudsman at ni retired comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia.
Sinabi ni House Justice Committee Chairman at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. na sisimulan ang imbestigasyon sa Martes ng umaga.
“Iimbestigahan ng komite kung balido ang plea bargaining agreement at anong lehislatibong remedyo ang kailangan dito,” sabi ni Tupas sa isang pahayag.
Sinabi ng mambabatas na titignan ng komite ang posibleng pananagutan ng mga taong sangkot sa kasunduan.
Maaari anyang irekomenda nila ang kinakaukulang parusa kung merong nagawang anomalya at iregularidad.
Magsasagawa rin ng kahalintulad na imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Senador Teofisto Guiongona III na iimbitahin nila si dating Armed Forces Chief Angelo Reyes para tumestigo.
Si Garcia ay naunang kinasuhan ng plunder dahil sa pagnanakaw umano ng P300 milyon mula sa kaban ng militar.
Nag-“plead” guilty si Garcia sa mas mababang kasong direct bribery at inatasang ibalik sa pamahalaan ang kalahati ng pera bilang bahagi ng kasunduan.