'Hello Garci' iimbestigahan uli
MANILA, Philippines – Plano ni Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes na muling buksan ang imbestigasyon ng kontrobersyal na “Hello Garci” scandal.
Sa kabila nito, nilinaw naman ni Brillantes na hindi niya ito gagawing prayoridad at nais lamang niya itong maimbestigahan muli upang bigyang tuldok at tuluyang maisara ang nasabing isyu.
Ayon kay Brillantes, bagamat marami silang halalan na dapat na paghandaan ay nais pa rin niyang mapagtuunan ng pansin ang mga nakalipas na anomalya sa mga halalan, sa loob ng apat na taong panunungkulan niya sa poll body.
“I intend to go back to it (2004 presidential election) and see the documents in the Comelec,” ayon kay Brillantes.
Matatandaang una ng naging kuwestiyonable ang pagkakahalal sa puwesto ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga 2nd District Congw. Gloria Macapagal-Arroyo noong May 2004 presidential elections nang naisapubliko ang isang wiretapped telephone conversations sa pagitan nito at ni dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano Jr..
Sinasabing pinaplano umano ng mga ito na dayain ang naturang halalan.
Subalit malaunan ay humingi ng paumanhin sa national TV si Arroyo dahil sa ginawang pagkausap kay Garcillano ngunit mariing itinanggi na dinaya ang halalan.
- Latest
- Trending