Bitay ibabalik!
MANILA, Philippines - Naalarma na si Pangulong Noynoy Aquino sa sunod-sunod na pagdukot, pagpatay at pagsunog sa mga bangkay ng mga car dealers, kaya pinag-iispan na ng Malacañang ang panunumbalik ng death penalty sa bansa.
Sa pahayag ng Pangulo sa media briefing matapos dumalo sa ika-65 anibersaryo ng Liberal Party sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan, pinag-aaralan na ng Palasyo ang panukalang ibalik ang bitay sa mga heinous crimes bunsod ng nangyari kina Emerson Lozano, Ernani Sensil at Venson Evangelista na matapos i-carjack ang kanilang mga sasakyan ay natagpuang may tama ng bala sa ulo at sinunog pa ang mga bangkay.
Ayon kay Aquino, bagaman hindi agad-agad na makakapagdesisyon ang Palasyo na ibalik ang bitay, panahon na upang magkaroon ng malawakang konsultasyon dito at pakinggan ang pulso ng taumbayan.
Noon pa man ay tagasuporta na si Aquino ng death penalty subalit nagbago ito ng kanyang posisyon ng maging Presidente dahil na rin sa nakikita nitong ‘imperfect justice system’.
Gayunman, kung ibabalik anya ang bitay na hindi perfect ang justice system ay baka mabitay ang isang inosenteng tao.
Kaya mahalagang ma-perfect umano ang justice system bago ibalik ang death penalty.
Nagkakaisa naman ang mga senador sa ideya na muling pag-usapan ang death penalty sa Senado.
Sinabi ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr., na iba na ang panahon ngayon dahil lumalabas na wala ng takot sa batas ang mga kriminal.
Ipinunto ni Revilla na kahit ang maliliit na krimen ngayon gaya ng snatching at theft ay madalas na humantong sa pamamaslang.
“Ngayon nanakawan ka lang ng cellphone papatayin ka na. Ang buhay ng tao parang ang baba na ng halaga,” sabi pa ni Revilla.
Kabilang si Revilla sa mga senador na bumoto para sa abolisyon ng death penalty noong 2006 pero ngayon ay isusulong nito ang pagbabalik ng parusang bitay dahil sa pagbabago umano ng panahon.
Sumusuporta rin sa pagbabalik ng parusang bitay sa bansa si Sen. Juan Miguel Zubiri, pero kontra sa panukala sina Sens. Kiko Pangilinan at Miriam Defensor-Santiago.
- Latest
- Trending