MANILA, Philippines - Positibong kinilala ang natagpuang sunog na bangkay sa Cabanatuan City, Nueva Ecija ay ang pinaghahanap na car dealer na si Venson Evangelista na 6 araw ng nawawala.
Kinumpirma kahapon ni Police Regional Office (PRO) 3 Director Chief Supt. Alan Purisima na nag-match ang dental record ni Evangelista sa sunog na bangkay base sa isinagawang pagsusuri ng PNP Crime Laboratory.
“The burned cadaver was positively identified as Venson Evangelista based on his dental record in the examination conducted by PRO Crime Laboratory,” ani Purisima.
Positibong kinilala rin ng ama ni Venson na si Rosenio Evangelista ang buckle ng belt ng anak maging ang talukap ng mata saka ilong ni Venson matapos na tunguhin nito at ng kapatid ng biktima na si Meynard ang RTM Funeral Homes sa Cabanatuan City kung saan nakalagak ang bangkay.
Ang bangkay ay may tama rin bala ng 9mm sa ulo at narekober sa Bgy. Buliran, Cabanatuan City noong nakalipas na Enero 14 at kahapon lamang pinuntahan ng ama ng biktima.
Si Venson ay kinidnap ng apat na armadong lalaki habang nagsasagawa ng test drive sa ibinebenta nitong isang dark green na 2009 Toyota Land Cruiser na may plakang NAI-316 sa Sgt. Catolos St., Cubao, Quezon City noong Enero 13.
Kasabay nito, nagpalabas na rin ang SITG ng artist sketch sa dalawang suspect base sa testimonya ng kanilang dalawang testigo, isa rito ay isang bading na nagpakilalang Allan Torres at isang mekaniko.
Inilarawan ang nasabing bading na may tigidig sa mukha, nasa 30 taong gulang, 5’8-5’9 ang taas, kulay brown ang buhok, medyo mataba, nakasuot ng kulay cream na pang-itaas, naka-pantalon, makapal ang labi, naka-sunglass at may kaputian ang kutis.
Samantala ang mekaniko ay nasa 40 anyos, 5’4-5’5 ang taas, kulay kayumanggi, nakasuot lamang ng t-shirt at maong short na katamtaman ang pangangatawan.