MANILA, Philippines - Bumubuo na umano ang Philippine National Police (PNP) ng hostage taking handbook na siyang magsisilbing gabay ng mga pulis sa pagtugon sa isang hostage situation.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, isa iyon sa mga inilahad sa pagpupulong ng Incident Investigation and Review Commiittee (IRC) kahapon ng umaga na dinaluhan ni Chief Supt. Herold Ubalde, Director ng Legal Service ng PNP.
Ikinukunsidera umano sa pagbuo ng nasabing manual ang mga naging pagkukulang ng PNP sa pagtugon sa naganap na hostage sa Quirino Grandstand nuong Agosto ng nakaraang taon.
Namulat umano ang PNP sa kanilang kakulangan kaya naman sineseryoso na umano nila ang pagbuo ng lupon ng mga eksperto sa hostage negotiation.
Natalakay din sa pagpupulong ang pagkakaloob ng psychological assistance sa mga miyembro ng PNP.
Mainam din umano na sa recruitment pa lang ay masuri na ang psychological behavioral ng isang aplikante at maisama rin iyon sa kanilang training.
Iminungkahi rin na sumailalim sa stress debriefing ang isang pulis na sumabak sa isang high risk operation.