2 araw bago ang Pista ng Nazareno: Deboto umabot na sa 10-libo

MANILA, Philippines - Dinagsa kahapon ng tinatayang mahigit 10-libong deboto ang Minor Basilica church, sa Quiapo kahit dalawang araw pa bago ang kapistahan.

Ito’y dahil sa inaasahang mas makakakilos sila sa paglapit sa Poon ng Nazareno bukod pa sa grupo-grupong deboto na may dala-dalang replica ng Black Nazarene na nagmula sa iba’t-ibang panig ng Metro Manila at kalapit na lalawigan tulad ng Pampanga, Bulacan, Batangas at Cavite para sa kanilang “Panata”.

Sakay ng pedicabs at ilang truck ang mga imahe o replica at iba naman ay karga-karga lamang ang may kabuuang 200 Itim na Nazareno ang ipinarada sa paligid ng Quiapo dakong alas-2 ng hapon, matapos isagawa ang misa at pagbabasbas sa mga imahe.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Ope­rations Division chief, .P/Supt. Remigio Sedanto, malaking kabawasan na rin ang mga nauna nang nagdaos ng prusisyon kahapon, kaysa maki­pagsiksikan pa umano sa Linggo.

Kinumpirma din ni Se­danto na habang nagaganap ang misa, tatlo ang nabiktima ng mandurukot habang nakataas ang mga kamay ng mga nagsisimba sa bahagi ng “Lord’s Prayer”.

Kabilang sa nag­rek­lamong nadukutan sina Ignacio Perez, 65, ng A-12 ET Homes Resort Village, Las Piñas City; Lilian Flores, 42, ng B64 L52 Sto. Nino, Sapang Palay, Bulacan; at Algier Vizcarra ng Quirino Ave., San Dionisio, Parañaque City.

Isang 13-anyos na babae ang naaktuhan sa pandurukot sa bag ng dalawang deboto.

Show comments