MANILA, Philippines - Pormal nang dumulog sa Korte Suprema si dating Vice President Teofisto Guingona para maghain ng dalawang mosyon kaugnay ng Vizconde massacre case.
Sa tig-pitong pahinang motion for leave to intervene at motion for reconsideration in intervention, hiniling ni Guingona na baligtarin ng Korte Suprema ang desisyon nito na nag-abswelto sa pitong akusado sa krimen sa pangunguna ni Hubert Webb.
Iginiit ni Guingona sa naunang mosyon na siya ang kalihim ng Department of Justice nuong taong 1995 kung kailan naghain ang NBI ng kaso sa DOJ para sa preliminary investigation ng Vizconde massacre.
Bagamat sa ilalim ng patakaran, ang motion for intervention ay inihahain aniya bago magpalabas ng desisyon ang korte sa isang kaso, umaasa si Guingona na ituturing ng hukuman na exception to the rule ang kaso ng Vizconde alang-alang sa prinsipyo ng hustisya.
Sa ikalawang mosyon, hiniling naman ni Guingona na mabaligtad ang naunang desiyon ng Korte Suprema pabor sa mga akusado dahil kumbinsido siyang nagsasabi ng katotohanan ang star witness na si Jessica Alfaro.
Kasama ni Guingona na naghain ng mosyon si Lauro Vizconde at ang kanyang abugado na si Atty. Pete Principe.