Chemical-based na panlinis may epekto sa kalusugan
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng environmental group na EcoWaste Coalition ang publiko na simula ngayong Bagong Taon ay iwasan nang gamitin ang mga chemical-based cleaning materials dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan.
Sa halip, sinabi ni retired chemist Sonia Mendoza ng EcoWaste Coalition at Mother Earth Foundation na simulan na ang paggamit ng mga organic cleaning materials sa paglilinis ng kanilang mga tahanan, para na rin sa kalusugan ng kani-kanilang pamilya.
Babala ni Mendoza, bagama’t nakakaalis ng dumi ang mga chemical-based cleaning products, nag-iiwan naman ito ng mga toxins na masama sa kalusugan.
Kadalasan aniya sa mga produktong panlinis ngayon ay hindi inilalagay sa mga label o di kaya’y itinatago sa mga generic terms ang mga matatapang na kemikal.
Ilan sa mga hinihinalang carcinogens, endocrine disrupters o reproductive toxins na kadalasang nakikita sa mga cleaning agents ay kinabibilangan ng ethylene glycol butyl ether, ethoxylated nonylphenol, methylene chloride, naphthalene, paradichlorobenzene, silica, toluene, trisodium nitrilotriacetate at xylene.
Sa halip na chemical-based cleaning agent ay gumamit na lamang ng mga tradisyunal at ligtas na cleaning substitutes na kadalasang makikita sa garden o kusina tulad ng sabila (aloe vera), is-is, tanglad at bay leaves, sukang puti, kalamansi juice, at baking soda.
Aniya, ang pag-adopt sa mga homemade cleaning tips ay hindi lamang makababawas sa polusyon at exposure ng tao sa mga toxins kundi makakatipid pa ng pera.
- Latest
- Trending