MANILA, Philippines - Hinamon ni dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Mariano Mison ang kampo ni Hubert Webb na sampahan na rin ng kaso ang dating mga opisyal at ahente ng NBI na nag-imbestiga sa Vizconde massacre gayundin ang hukom na naghatol sa mga akusado, mga mahistrado ng Court of Appeals (CA) na nagbasura sa kanilang mosyon at ang apat na mahistrado na hindi pumabor sa pag-abswelto sa grupo ng mga akusado.
Ito ay kung ipupursige umano ng kampo ni Webb ang pagsasampa ng kaso laban sa star witness na si Jessica Alfaro kasabay ng paninindigan nito na hindi nila “manufactured” ang kanilang testigo at tama ang kanilang ginawa.
Gayundin, mismong ang taong bayan na umano ang nagsabi kung saan halos 66 porsiyento ang hindi sang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema sa pagkakaabswelto sa mga akusado.
Siniguro naman ni Mison na hindi siya hihiwalay kay Lauro Vizconde hanggang sa huli at nais lamang umano ng ilang tao na sirain ang kanyang integridad.
Samantala, maging si dating NBI Deputy Director Pedro Rivera ay malaki ang tiwala sa mga sinasabi ng testigong si Alfaro.
Ayon kay Rivera, na nanguna sa imbestigasyon sa nasabing kaso at nakarating mismo sa crime scene, na lahat ng sinabi ni Alfaro ay nagtutugma sa physical evidence na nakuha at nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Ikinalungkot ni Rivera na ang binigyan ng bigat ng pitong mahistrado ng Korte Suprema ay ang testimonya ng yumao ng NBI agent na si Artemio Sacaguing na umano’y hindi naman nakarating sa crime scene at sinabing hindi credible si Jessica.
Para kay Rivera, mahirap umano na ma-evaluate ang ebidensya at salaysay ng isang testigo kung ‘di nakarating sa crime scene.