Revolutionary tax ng NPA nilulustay sa luho
MANILA, Philippines – Nagpapasasa lamang umano sa marangyang pamumuhay at nilulustay sa luho ng mga lider ng CPP-New People’s Army (CPP-NPA) ang multi-milyong koleksyon ng mga ito sa revolutionary tax partikular na sa mga minahan at mga prominenteng negosyante sa bansa.
Ito ang ibinulgar ni Army’s Chief of Civil Military Operations Chief Col. Daniel Lucero kung saan sa rekord ng AFP ay nasa P 95.5 milyon ang nakolekta sa pangongotong ng NPA rebels sa nakalipas na 11 buwan ng taong ito, P 35.5 M ang mula sa minahan sa Davao Region.
Sa tala nasa P1.5 bilyon naman ang kinita ng mga lider at opisyal ng NPA sa pangongotong sa loob ng 12 taon.
Ayon kay Lucero, habang naghihirap ang mga tauhan ng mga rebelde na nagtitiis ng hirap at gutom sa pamumuhay at pagtatago sa kabundukan ay namumuhay ng marangya ang kanilang mga lider at opisyal.
Kabilang dito ang self-exile na si Jose Maria Sison sa The Netherlands kung saan tinutustusan ito ng multi-milyong pondo ng NPA rebels, ang armed wing ng CPP na naatasang mangolekta.
Tinukoy ni Lucero na isa sa mga lider ng NPA na finance officer sa Bicol Region na si Glicerio Pernia alyas Ka Choy na nahuli sa isang sabungan sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan nitong nakalipas na mga ay nilustay lamang ang itinakbo nitong P4-M koleksyon sa revolutionary tax sa kaniyang bisyong sabong.
Si Leoncio Pitao alyas Commander Parago ay nakabili naman umano ng magarang mansion sa Davao City gayong mahirap pa sa daga ang pamilya nito matapos kamkamin ang pondo ng kilusan.
Si Gregorio Rosal alyas Ka Roger ang napaulat na nasawing Spokesman ng CPP-NPA at lider ng Melito Glor Command sa Quezon ay pinag-aaral ng nakotong na pera ang mga anak nito sa isang exclusive school sa Lucena City.
- Latest
- Trending



















