Nurses, caregivers in-demand sa Japan

MANILA, Philippines –  Inihayag ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na sa darating na 2011 ay bukas nang muli ang bansang Japan para sa “recruitment” ng mga nurses at cargivers.

Sa advisory ng POEA, sinabi nito na bukas na ang recruitment para sa ikatlong batch ng mga nurses at caregivers sa kooperasyon ng Japan International Corporation of Welfare Services (JICWELS).

Base sa naunang dalawang recruitment, mas pinapaboran umano ngayon ng mga Hapones ang mga aplikante na nasa pagitan ng edad 20-35 anyos, at istrikto sa maayos na pisikal at mental na kalusugan. Kinakailangan rin na palagiang dumalo sa mga pagsasanay at pagpasok maging sa mga araw ng Sabado at Linggo.

Para sa mga aplikante sa nurses, kinakailangan na nagtapos sa kursong Bachelor in Science in Nursing, may board license, may tatlong taong karanasan sa isang ospital. 

Sa mga caregivers, mayu kuwalipikasyon na: nagtapos sa apat na taong kurso at sertipikado ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) o nagtapos sa kursong Bachelor in Science in Nursing; at nasa maayos na pisikal at mental na kalusugan. Mas nakalalamang rin umano ang mga aplikante na may nalalaman sa lengguwahe ng mga Hapones.

Mag-uumpisa ang “pre-employment orientation” sa mga kuwalipikadong aplikante sa oras na makapagparehistro at may aktibong status sa POEA E-registration system sa pamamagitan ng www.poea.gov.ph.  Maaari ring personal na magsumite ng aplikasyon sa POEA bldg., sa EDSA cor. Ortigas Avenue, Mandaluyong City.

Sinabi pa ng POEA na hanggang Enero 6, 2011 lamang ang palugit para sa aplikasyon.

Show comments