MANILA, Philippines - Dalawang Filipino-Chinese families ang nag-rambulan sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 matapos silang dumating galing Singapore sakay ng Philippine Airlines flight PR 512, kamakalawa.
Ang pangyayari ay nasaksihan ng may 200 pasahero ng nasabing eroplano kabilang dito ang mga immigration employees, customs personel at ang mga umawat na miyembro ng MIAA police.
Kinilala ng mga awtoridad sa paliparan sina Ernesto Sy ng Bel Air Village, Makati City at ang nakalaban nitong sina Patrick Llamado Chua at Henson Chua, ng Magsaysay St., Manila.
Ayon sa ulat, nag-umpisa ang suntukan habang nakapila ang mga ito sa arrival immigration area.
Napag-alaman na nagkaroon ng singitan sa pila sa immigration kaya umano nagkamurahan hanggang sa humantong ito sa suntukan.
Gayunman dahil sa nangyari, dinala ng mga awtoridad sa paliparan ang dalawang pamilya para ipagharap ng reklamong alarm and scandal.
Ayon sa impormasyon, nagkasundo din umano ang dalawang pamilya matapos magsilamig ang mga ulo nito.