Hatol kay Hubert, 6 pa baliktarin! - Lauro

MANILA, Philippines - Pormal ng dumulog kahapon sa Korte Suprema si Lauro Vizconde upang hilingin na bawiin ang naunang desisyon nito na nag-aabswelto kay Hubert Webb at anim pang akusado sa Vizconde massacre.

Sa 84-pahinang motion for reconsideration na inihain ni Vizconde sa pamamagitan ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta, umapela rin ito sa kataas-taasang hukuman na mu­ling magsagawa ng delibe­rasyon tungkol sa kaso.

Iginiit sa mosyon na mistulang naiba umano ang linya ng Korte Suprema mula sa mga nauna nitong desisyon kung saan iginigiit nito na sa isang kasong kriminal ay mas binibigyan nito ng bigat ang factual findings ng mababang korte lalo na kung suportado naman ito ng mga ebidensya.

Iginiit pa ni Acosta ang hindi malinaw na pahayag sa desisyon ng Korte Suprema tungkol kay Jessica Alfaro kung saan ayon sa korte ay maaaring nagsinungaling ito sa kanyang mga testimonya dahil sa pagiging detalyado nito hinggil sa kaso ngunit wala naman umanong direktang sinabi ang kataas-taasang hukuman na nagsinunga­ling nga ang star witness.

Hindi rin umano pantay na sa testimonya lamang ni Atty. Artemio Sacaguing na dating opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) sumentro ang Korte at hindi man lang sinuri ang background nito upang masiguro na nagsasabi nga ito ng totoo.

Hiniling din ni Acosta sa mosyon na huwag silang masama sa prinsipyo ng double jeopardy dahil sa ilalim nito ipinagbabawal ang muling pagbubukas ng isang kasong kriminal kung naabswelto na ang isang akusado.

Matatandaan na nauna nang sinabi ni Supreme Court (SC) spokesman at Court Administrator Atty. Midas Marquez na hindi na maaring maghain ng mosyon ang kampo ni Vizconde dahil sa double jeopardy.

Show comments