Pangingikil ng NPA 'di kukunsintihin
MANILA, Philippines - Hindi kukunsintihin ng gobyerno ang ginagawang pangingikil ng New People’s Army (NPA) matapos magreklamo ng pangongolekta ng revolutionary tax ang communist movement sa mga negosyante.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na kanilang ipapabatid ang pangingikil ng NPA sa mga negosyante sa sandaling magsimula ang peace talks ng gobyerno sa National Democratic Front (NDF).
Inihayag kamakalawa ni Maj. Gen. Victor Ferrer na 7 mining companies ang nagbantang umalis sa bansa dahil sa extortion activities ng NPA.
Ang mga mining firm na ito ay nasa Northwestern Mindanao matapos umabot sa P20 milyon ang hinihinging revolutionary tax ng NPA sa mga kumpanya mula sa dating P15 milyon na rev tax kada taon.
Nabatid na ginagamit lamang sa kanilang maluhong pamumuhay ng mga Commanders ng NPA ang nakokolekta ng mga ito sa revolutionary tax habang patuloy na dumaraing ng gutom ang kanilang mga kasamahang rebelde.
“Hindi po natin alam kung ano ang magiging pag-uusap. Ngunit concern po kasi tayo dito. Mahirap naman po na ang gobyerno ay nanghihikayat ng investors sa bansa tapos ganito po yung nangyayari,” paliwanag pa ni Usec. Valte.
Ang informal talks sa pagitan ng GRP at NDF ay magaganap mula Enero 14-19 sa Oslo, Norway. (Rudy Andal/Joy Cantos)
- Latest
- Trending