MANILA, Philippines - Ipinahayag ng South Luzon Tollway Corporation (STLC) na epektibo sa Enero 1, 2011 ganap na alas-6 ng umaga ay doble na ang ibabayad ng mga motoristang dadaan sa South Luzon Expressway.
Ayon kay Alma Tuazon, spokesperson ng STLC sa ginanap na lingguhang forum sa Balitaan sa Tinapayan, kasalukuyang bumabayad ang motorista ng P87 para sa toll fee mula Makati-Alabang hanggang sa Calamba at karagdagang P22 hanggang sa Sto.Tomas, Batangas.
Nabatid kay Tuazon na sa P87, P65 ang kinokolekta ng Skyway Corp. at P22 lamang ang napupunta sa kanila na katumbas ng P0.76 sentimos kada kilometro.
Bagama’t P3.02 kada kilometro ang inaprubahang increase ng Toll Regulatory Board (TRB), P2.68 kada kilometro lamang ang ipatutupad ng SLTC.
Gayundin, Disyembre 31 ng alas-10 ng gabi ang inaprubahang epektibong increase ng TRB, pero ginawa nila itong Enero 1 ng alas-6 ng umaga.
Katumbas umano ito ng P97 hanggang Alabang-Sto.Tomas, Batangas na may kabuuang mahigit 36 kilometrong haba ng kalsada.
Naging P162 ang kabuuang bayarin dahil kasama ang P65 na toll fee na kinokolekta ng Skyway.
Sinabi ni Tuazon na ginagamit sa ngayon ng mga motorista ng libre ang binuksang extension sa SLEX diretsong tagos mula sa Sto.Tomas.
Binigyan-diin ni Tuazon na ipatutupad ang P2.68 increase kada kilometro hanggang sa makarekober sa kanilang ginastos sa rehabilitasyon at konstruksiyon ng mga kalsada sa SLEX ang SLTC.