Amyenda sa batas sa absentee voting ipinanukala
MANILA, Philippines – Nagsumite kamakailan si Pampanga Congresswoman at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng isang panukalang-Batas na magbibigay ng pagkakataon sa mas maraming overseas Filipino workers at iba pang mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa na makalahok sa mga susunod na eleksyon sa Pilipinas.
Sa kanyang House Bill 3001 magkakaroon ng mas maraming registration center sa buong Mundo.
Inaamyendahan ng HB 3001 ang Republic Act 9189 o Overseas Absentee Voting Act na naglalaan ng mga sistema at panuntunan para makasali at makaboto sa eleksyon ang mamamayang Pilipinong naninirahan o nagtatrabaho sa ibayong-dagat.
Isinasaad sa HB 3001 ang pagtatayo ng mga field at mobile registration centers ng mga embahada o konsulado o misyon ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.
Itinatadhana rin dito ang pagsasagawa ng pre-departure registration ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan o pasilidad na tutukuyin ng Commission on Elections.
Maaari ring isampa ng OFW ang kanyang aplikasyon nang personal sa alin mang post o itinakdang registration center sa Pilipinas na aprubado ng Comelec.
Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs, merong 89 registration center ang Pilipinas sa ibayong-dagat kasama na ang sa 44 posts sa 154 lugar para sa pagpaparehistro ng mga Pilipino roon.
Binanggit ni Arroyo na, sa nagdaang eleksyon, 233,092 lamang mula sa kabuuang 364,187 rehistradong Pilipino sa ibayong-dagat ang nakaboto.
Idinadahilan sa kaunting bilang ng bumoto ang napakaikling oras ng rehistrasyon, mahigpit na rekisitos sa pagboto, limitadong pasilidad sa botohan, limitadong day-off sa trabaho at iba pa.
- Latest
- Trending