Libreng pasyalan at atraksiyon sa Rizal Park
MANILA, Philippines – Hinikayat ng Department of Tourism (DOT) ang publiko lalo na sa mga pamilyang nais mamasyal ngayong Pasko at Bagong Taon na sadyain ang pinagandang Rizal Park upang masaksihan ang kaakit-akit na Rizal Park Central Lagoon Musical Dancing Fountain.
Hindi na umano kailangan pang magtungo sa mamahaling Theme Park dahil libre lamang na mapapanood ang nasabing atraksiyon kasabay ng iba’t-ibang cultural shows.
May Children’s playground din na higit na pinaganda at kawi-wilihan ng mga bata, sa entrance fee naman na P10 lamang.
Ayon kay National Parks Development Committee Executive Director Juliet Villegas, ang Rizal Park Central Lagoon Musical Dancing Fountain ay may iba’t-ibang water effects features gaya ng 88 feet Pulsating High Center Jet, Peacock spray water screen at ang synchronized dancing fountain na may musika.
Ang dating “Luneta Fountain at the Central Lagoon” na idinisenyo ni Philippine born German national William Schaare ay unang namayagpag at nakilala bilang “most colourful and advance choreograph fountain” hindi lamang sa Asya kundi sa buong mundo. Ito ay itinayo noong 1968 subalit napabayaan hanggang sa muling inayos dahil sa kautusan ni Tourism Secretary Alberto Lim.
Dagdag pa ni Villegas na ang muling pagpapaganda ng naturang fountain ay bahagi ng total make-over at renovation ng may halos 628.833 sq. meters kabuuan sukat ng Rizal Park.
Una nang binuksan sa publiko ang Rizal Park Children Playground noong December 1. Inuumpisahan na ring i-renovate ang relief Map, Chinese Garden, Chess Plaza at Orchidarium.
Dakong 6:00 ng gabi noong Disyembre 16 nang pormal na buksan sa publiko ang musical dancing fountain na dinaluhan ni Manila Mayor Alfredo Lim, Tourism Infrastrucrure Enterprise Zone (TIEZA) Mark Lapid at Presidential Sister Ma. Elena Aquino-Cruz. ()
- Latest
- Trending